Singaporean ninakawan, pinatay ng helper

MANILA, Philippines - Pinagtataga hanggang sa mapatay ang isang Sin­gaporean national ng umano’y teenager niyang helper sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.

Kinilala ang biktima na si Peter Lee, may bansag na Lee Choi Ping, 50, negosyante at residente ng Detroit St., Brgy. Pinagkaisahan sa lungsod.

Ayon kay SPO1 Cristituto Zaldarriaga, imbestigador sa kaso, si Lee ay natagpuan na lamang walang buhay sa loob ng kanyang tinutuluyan at may mga taga sa batok.

Tinutukoy ng isang saksi ang suspect sa alyas na JR, nasa pagitan ng edad 16-18, may taas na 5’4, nakasuot ng kulay violet na t-shirt at gray na jersey short pants.

Sinasabing si JR ay isang buwan pa lamang naglilingkod sa negos­yante bilang helper matapos na ipakiusap ng isang labandera ng pamilya.

Sabi ng driver ng biktima na si Julio Carino Jr., bago niya natagpuan ang katawan ng amo, alas-12:44 ng hapon ay ibina­baba pa niya ito at ang suspect sa Solid North bus station, bago siya nagtungo sa Dau Pampanga para ideliber ang produkto nilang soya beans.

Nakabalik umano ni Carino sa bahay ng amo, ganap na alas-4:20 ng hapon at doon niya nakita ang biktima na na­kahandusay sa receiving area at may sugat sa batok  at wala na rin ang nasabing suspect.

Sinabi ni Carino sa awtoridad, nitong Sabado ay nakikiusap umano si JR sa amo na mag-aad­vance ng pera, pero hindi pumayag ang amo, dahil ilang beses na umano itong bumabale.

Nitong Linggo ng uma­ga, naalala ni Carino na pinagalitan pa ni Lee si JR pero hindi niya alam ang dahilan kung bakit.

Sa pagsisiyasat ng awtoridad, narekober sa lugar ang isang butcher knife na pinaniniwalaang ginamit ng suspect sa pag­patay sa biktima. Nawawala rin ang wallet ng biktima na naglalaman ng hindi madeterminang halaga ng pera at gamit na Iphone 4 nito na pinaniniwalaang tinangay ng suspect.

 

Show comments