Driver dedo sa tandem

MANILA, Philippines - Isang jeepney driver ang patay makaraang pagbabarilin ng riding in tandem na suspect habang ang una ay nagpapa-gas sa isang gasoline station sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Si Carlos Deocariza, 28 ng Bagong Silang, Caloocan City ay nasawi makaraan ang pamamaril, ayon kay SPO1 Joselito Gagaza, may-hawak ng kaso.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin na pawang nakasuot ng kulay itim na helmet at sakay ng  isang Honda wave motorcycle na may plakang TI-6172.

Nangyari ang insidente sa may Flying V gasoline station sa Philcoa, Old Capitol Suite, Diliman, pasado alas-5 ng hapon.

Ayon kay Edmund Estacio, saksi, nagpapa-gas umano ng kanyang sasakyang jeepney (NYT-252) ang biktima sa lugar nang dumating ang isang motorsiklo na may kaangkas.

Paghinto ng motorsiklo, agad na bumaba ang angkas nito at nagbunot ng baril saka surpresang pinagbabaril ang walang kaalam-alam na biktima. Matapos ang pamamaril ay agad na sumakay ang suspect sa kanilang motorsiklo at pinaharurot ito patungo sa Eliptical Road.

Agad namang nakares­ponde ang Emergency response ng Quezon City Department of Public Order and Safety at itinakbo ang biktima sa East Avenue Medical Center, subalit idineklara din itong dead on arrival, ganap na alas 5:45 ng hapon.

Sa pagsisiyasat ng awtoridad, narekober sa lugar ang apat na basyo at tatlong slugs ng kalibre 45 baril na ginamit ng mga suspect sa pagpaslang sa biktima. 

Inaalam pa ng awtoridad ang motibo ng pamamaril sa biktima.

 

Show comments