MANILA, Philippines - Patay ang isang 26-anyos na lalaki nang masagasaan habang tumatawid sa harap ng US Embassy sa Roxas Boulevard, Ermita, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Ang biktimang si Eduardo Seredrica, ng Mandaluyong City ay agad na nasawi matapos dalawang beses masagasaan ng kotse at truck dakong ala- 1:00 ng madaling araw, habang tumatawid patungong Baywalk, ayon sa ulat ni PO3 Marco Saunar.
“Ang nangyari parang nasagi siya ng kotse pagkatapos pumailalim pa ng madaanan pa ng truck, nagulungan yong ulo niya, may tama rin sa balikat,†ani Saunar.
Kapwa naman pinipigil sa Manila Traffic Parking Bureau ang driver ng kotse na si Patrick Sherwin Cabansag, 21, at Ronald Purol, 26, ang driver ng truck na nakaararo pa sa biktima.
Depensa ni Purol, ang kotse ang unang nakabangga kaya sumabit sa kaniyang truck at nasagasaan subalit itinanggi naman ni Cabansag na siya ang nakabangga.
Nalaman na isang motorista ang nagmagandang loob na harangin ang dalawang driver at saka tumawag sa pulis kaya hindi sila nakatakas.
Isinasailalim na sa maÂsusing pagsusuri ang mga sasakyan upang matukoy kung alin ang unang nakabangga.