MANILA, Philippines - Nakipagbarilan sa mga rumespondeng tauhan ng Manila Police District-Station 9 ang dalawang hinihinalang holdaper na ikinasawi ng isa at ikinasugat ng kasama nito sa Malate, Maynila, kamaÂkalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot ang suspect na kinilalang si Jimboy Abadami, ng Sta. Barbara, Zamboanga City habang nakaratay ngayon sa Ospital ng Maynila ang kasamahan nitong si Lando Lim, 29, ng Malate, Maynila.
Isa pang kasamahan ng mga suspect ang tinutugis matapos na tumakas habang nagaganap ang engkuwentro.
Sa ulat ni SPO2 Ramir Dimagiba ng MPD-Homicide Section, dakong alas-7:43 ng gabi nang maganap ang insidente malapit sa Paraiso ng Batang Maynila sa Quirino Avenue, Malate, Maynila.
Bago ang insidente, dumulog sa MPD-Station 9 ang isang Marvin Blando, 36, binata ng Leveriza, Pasay City kaugnay sa panghoholdap sa kaniya ng tatlong lalaki kung saan natangay ang kanyang Silver necklace (P1,500); cell phone (P9,000) at P1,500 cash.
Sinamahan umano nina SPO1 Luis Rufo at PO1 Paul Bermudez, kapwa nakatalaga sa MPD-Station 9 ang biktima sa lugar kung saan siya hinoldap at pagdating malapit sa Paraiso ng Batang Maynila nakita at itinuro ni Blando ang mga nangholdap sa kanya habang naglalakad.
Palapit pa lamang ang mga pulis sa mga suspect nang nagtakbuhan ang mga ito sabay nagpaputok ng baril kaya gumanti na rin ng putok ang mga kagawad ng pulisya na nagresulta sa agarang kamatayan ni Abadami habang sa hita naman ang tama ni Lim.
Nakuha sa pag-iingat ni Abadami ang isang kalibre 22 at narekober din sa mga suspect ang mga natangay mula sa biktima.