Tauhan ng nanalong congressman, dedo sa tandem

MANILA, Philippines - Utas ang isang tauhan ni Caloocan City Congressman elect Egay Erice matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem suspect  kamakalawa ng gabi sa  Caloocan City.

Dead-on-the-spot sanhi ng mga tama ng bala sa ulo at katawan ang biktimang si Allan Zapanta, 42, ng A. Bato St.,  ng naturang  lungsod.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-6:50 ng gabi habang kasasakay pa lang ng biktima sa isang multi-cab (JPZ-221) upang sunduin ang kapatid na isang kagawad.

Biglang sumulpot ang mga suspect na sakay ng Yamaha Mio-Soul na walang plaka at biglang pinagbabaril ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Ayon sa pulisya, base sa kanilang nakalap na impormasyon, nabatid na nagsilbing driver ang biktima noong kampanyahan ni Egay Erice. Inaalam naman kung may bahid-pulitika ang motibo ng pamamaril dito.

Show comments