Bus salpok sa truck: 2 utas

MANILA, Philippines - Dalawa ang nasawi habang siyam pa ang nasugatan ma­tapos araruhin ng isang pampasherong bus ang dalawang nakaparadang dump truck sa kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEX) sa Caloocan City  kamakalawa ng gabi. Dead-on-the-spot sanhi ng pinsala sa ulo at katawan ang biktimang  si Gary Ramos, pahinante ng dump truck (UHC-494), na taga-Marilao, Bulacan. Binawian naman ng buhay habang ginagamot sa East Avenue Medical Center sanhi rin ng pinsala sa ulo at katawan si Nilo Ibayan, 38, ng Brgy.  Malinta Valenzuela City at pasahero ng Victory Liner (CVS-673) na minamaneho ni Amavo de Guzman Jr. Siyam pang pasahero ng bus ang gina­gamot sa magkahiwalay na pagamutan. Batay sa ulat ng Caloocan City Police, Traffic Bureau, naganap ang insidente dakong alas-10:30 ng gabi sa kahabaan ng NLEX ng naturang siyudad habang nakaparada ang dalawang dump truck sa naturang lugar  nang araruhin ng  bus. Dahil dito ay napuruhan si Ramos habang inaayos nito  ang kahoy na stopper ng naturang dump truck at naipit naman sa loob ng bus si Ibayan.

Show comments