Real estate broker itinumba sa restoran

MANILA, Philippines - Binaril at napatay ang isang ginang na real estate broker ng dalawang hindi nakilalang lalaki sa loob ng isang res­taurant sa Parañaque City kamakalawa ng hapon.

Isinugod pa ng mga nagrespondeng opisyal ng barangay sa Parañaque Medical Center, ang biktimang si Josephine Sarmiento, 52, ng BF Homes subalit patay na nang maka­rating sa naturang pagamutan sanhi ng tama ng bala sa ulo.

Sa ulat ni SPO1 Rudi Dimzon, ng Parañaque City Police Homicide Section, naganap ang madugong insidente sa loob ng Pancake Restaurant na nasa kahabaan ng President Avenue sa BF Homes pasado alas-3 ng hapon.

Kasama ng biktima ang mga kaibigan na nagmemeryenda nang pumasok ang mga salarin na nagpanggap na mga kostu­mer at umupo sa kalapit na mesa ng biktima. Biglang bumunot ng kanilang baril at pinaputukan ng dalawang ulit  sa ulo ang ginang.

Matapos ang pamamaslang, naglakad lamang na parang walang nangyari palabas ng restaurant ang mga suspect patungo sa nakaparada nilang motorsiklo at nagpaputok pa ng isa pataas bago mabilis na tumakas patungo sa hindi nabatid na lugar.

Tiniyak naman ng pulisya na hindi pagnanakaw ang motibo sa pamamaslang dahil wala isa man sa mga gamit ng biktima ang tinangay ng mga suspect.  Inaalam na ngayon ng mga imbestigador kung may kinalaman sa trabaho ng biktima bilang real estate agent ang pagpatay dito.

 

Show comments