MANILA, Philippines - Patay na nang makitang nakabigti gamit ang sariling polo shirt na ipinulupot sa leeg ang isang 41-anyos na scavenger habang nasa loob ng detention cell ng Padre Algue Police Community Precinct (PCP) ng Manila Police District-Station 2 sa J. Abad Santos, Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawi na si Jonathan Lopez, ng Padre Algue St., Tondo, Maynila.
Sa ulat ni SPO1 Christian Caparas, MPD-Homicide Section, dakong alas- 10:30 ng umaga nang madiskubreng nakabitin ang biktima sa loob ng nasabing deÂtention cell.
Nabatid mula sa rekord ng pulisya na dinakip si Lopez ni Brgy. Chairman Ronnie Luna ng Brgy. 238, Zone 22, dahil sa panggugulo nito sa may panulukan ng Balintawak at Padre Algue Sts., sakop ng Tondo.
Nang puntahan umano ang biktima ay nakitang nakabigti ito kaya isinugod sa Justice Abad Santos General Hospital kung saan ito idineklarang dead-on-arrival.