MANILA, Philippines - Sugatan ang anim katao kabilang ang apat na babae makaraang mabagsakan ng mga debris buhat sa kinukumpuning MalaÂyan Plaza Hotel sa Pasig City, kamakalawa ng gabi.
Isinugod sa Medical City ang mga biktimang nakilalang sina Irene May Ampoon, 29; Michelle Fulgenio, 26; Michael Edward Bauson, Jr., 29; May Kristine Paisano, 20; at magpinsan na sina Pauline Gaen, 24, at Kenneth Gaen, 25, kapwa ng Nangka, Marikina City.
Sa ulat ng Pasig City Police, naganap ang insidente dakong alas-7:30 kamakaÂlawa ng gabi sa tapat ng naturang hotel sa may kanto ng ADB Avenue at Opal Road sa Ortigas Avenue, ng naturang lungsod.
Nabatid na naglalakad ang mga biktima at nang mapatapat sa Malayan Hotel ay biglang nagbagsakan ang mga debris tulad ng pitak ng mga semento at hollow blocks buhat sa ika-34 na palapag.
Mabilis namang sinaklolohan ng mga security guard at ng rescue team ng Brgy. San Antonio ang mga biktima at binigyan ng paÂunang lunas bago isinugod sa pagamutan.
Inamin ni Ilaine Rodriguez, 37, property manager ng Malayan Plaza Hotel sa pulisya na may ginagawang renovation sa nasabing gusali at aksidente lamang ang pangyayari. Tiniyak naman nito na sasagutin ng kompanya ang gastusin sa pagpapagamot sa mga biktima at iba pang nasira.
Nabatid rin na bahagyang nasira ng mga bumagsak na debris ang salamin ng sangay ng RCBC bank sa ibaba ng gusali.
Iniimbestigahan naman ng pulisya at maging ng pamunuan ng Malayan Plaza Hotel ang kontraktor na nagsasagawa ng renobasyon upang mabatid kung ano ang naging pagkukulang nito para sa kaligtasan ng publiko.