MANILA, Philippines - Patay ang isang binata habang sugatan naman ang kanyang 68 -anyos na nanay makaraang kapwa sila mahulog sa hagdanan ng footbridge matapos na makipagpambuno sa isang snatcher na humablot sa kuwintas ng matanda sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Si Nocky Briguez, 30, accountant ay nagawa pang maisugod sa ospital, pero dahil sa tinamo nitong matinding pinsala sa ulo at katawan ay idineklara ring dead on arrival.
Ang kanyang ina na si Paz Briguez, retiradong empleyado ng University of the Philippine Press ay agad namang nagamot sa ospital matapos na magtamo lamang ng minor injuries sa katawan.
Ayon kay PO2 Dennis Llapitan, isang kabataang suspect na sa pagitan ng edad na 15-20 ang agad namang tumakas matapos na makita ang pangyayari sa mag-ina.
Sa imbestigasyon, lumiÂlitaw na nangyari ang insiÂdente sa may footbridge sa kahabaan ng Quezon Avenue, corner EDSA, Brgy. Bagong Pag-asa, ganap na alas-6:30 ng gabi.
Sinasabing naglalakad ang mag-ina sa nasabing footbridge nang biglang sumulpot ang suspect at biglang hinablot ang suot na gintong kuwintas ng matanda. Sa puntong ito, dahil may bitbit na takore si Nocky ay pinaghahampas niya ang suspect hanggang sa mauwi ito sa suntukan.
Sa pagpapambuno ay nasuntok ng suspect si Nocky, pero bago bumuwal ay mahigpit na nahawakan nito sa katawan ang kanyang ina dahilan para kapwa sila mahulog at magpagulong gulong sa baitang ng hagdan hanggang sa ibaba.
Nang makita ng suspect na kapwa sugatan ang mag-ina, nagpasya na itong tumakas. Agad namang humingi ng saklolo ang matanda sa ilang istambay at itinakbo ang anak sa Philippine Children’s Medical Center, pero hindi na rin ito umabot pa ng buhay.
Sa kasalukuyan, patuloy ang follow-up operation ng QCPD laban sa suspect na pinaniniwalaang notorious na snatcher at pagala-gala lamang sa naturang lugar.