Dayo binurdahan ng bala

MANILA, Philippines - Isang hindi nakikilalang lalaki na sinasabing dayo lamang sa Baseco, Tondo, Maynila ang tinaniman ng 11 tama ng bala sa katawan, kamakalawa ng gabi.

Inilarawan ang biktima sa edad na 35-40,  5’4’’ ang taas at balingkinitan ang  katawan,  nakasuot ng dalawang magkapatong na t-shirt, (kulay itim at isang pula) asul na jacket, pink na pantalon, asul na baseball cap  at  tsinelas na itim.

Naganap ang insi­dente pasado alas-10 kamakalawa ng gabi. May hinala ang pulisya na may kaugnayan sa iligal na droga ang motibo sa pamamaslang dahil dayo lamang sa lugar ang biktima.

Isang Camarudin Silungan, 41, tricycle driver, ng Block 9, Baseco, Tondo, ang nagpahayag na habang nakikipaglaro siya ng chess sa loob ng kanyang bahay ay makarinig siya ng sunud-sunod na putok.

Lumabas umano siya ng bahay at doon niya nakitang may lalaking duguan na nakalugmok. Patuloy pa rin ang isinagawang imbestigasyon sa insidente.

Show comments