COMELEC control di kailangan – Taguig police

MANILA, Philippines - Tahimik sa pangkalahatan ang lungsod ng Taguig at walang dahilan para isailalim ito sa COMELEC control.

Ito ang pahayag ni Senior. Superintendent Arthur Felix Asis, hepe ng Taguig Police bilang re­aksyon sa panawagan ng kampo ng mga Tinga na dapat nang isailalim ang lungsod sa Comelec control matapos ang naganap na kaguluhan noong nakaraang Sabado.

“Ang pangyayari  ay isolated case lamang. May mga para­meter bago isailalim sa COMELEC control ang isang lugar. Wala ni isa sa mga parameter na itinakda ang magka-kuwalipika para maisailalim ito sa COMELEC control,” pahayag ni Asis na iginiit na kontrolado ng pulisya ang sitwasyon.

Ayon kay Asis, kumpiyansa siyang magiging tahimik at maayos ang halalan sa Taguig dahil halos lahat ng kandidato ay nag-commit sa cove­nant for peace signing na isinagawa bago ang pagsisimula ng panahon ng kampanya.

Kabilang sa mga lu­magda sa covenant for peace signing na isinulong ng Philippine National Police (PNP) at Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ay si Mayor Lani Cayetano, ang buong Team Lani Cayetano (TLC), ang tiket ng kilusang Diwa ng Taguig (KDT) maliban sa kanilang kandidato sa pagka-alkalde na si Rica Tinga.

Samantala, nilinaw naman ni Chief Supt. Miguel Antonio, Deputy National Task Force para sa SAFE (Secured and Fair Elections)  2013, hindi­ na kailangang isailalim pa sa ‘areas of concern’ ang Taguig City.

Ayon sa opisyal, nana­natiling kontrolado ng pu­lisya ang sitwasyon sa Taguig City kung saan ang karagdagang ide­deploy na mga pulis ay magmumula sa Southern Police District (SPD) ay para tumutok sa seguridad at kapayapaan sa darating na halalan.

Show comments