PNP full alert na para sa eleksyon

MANILA, Philippines - Isang linggo bago ganapin ang midterm polls sa Mayo 13, isina­ilalim na kahapon ng  PNP sa full alert status ang 148,000 nitong puwersa sa buong bansa.

Ayon kay Chief Supt. Miguel Antonio, Deputy National Task Force Commander  ng SAFE (Secured and Fair Elections) 2013, ang hakbang ay upang matutukan ang segu­ridad para sa ma­tiwasay at mapayapang halalan.

“The PNP’s alert status was elevated to full alert effective 6 a.m. (today )”, ayon sa opisyal.

Nangangahulugan ito, ayon pa sa opisyal na kanselado muna ang bakasyon at ipakakalat na ang mga karagdagang 30,000 pulis para i­-deploy, partikular na sa mga idineklarang ‘high risk areas’  na matindi ang labanan sa pulitika at mga nangyayaring karahasan.

Samantalang binuksan na rin ang National Task Force SAFE Media­ Center na mag-ooperate 24 oras sa ikalawang palapag ng Multi Purpose Hall sa Camp Crame, Quezon City.

“The highest alert condition will remain in effect until after election security operations had been completed,” ayon pa sa opisyal.

Samantalang, ipauubaya na ng PNP Headquarters sa mga Regional Directors kung palalawigin pa ang alert status.

Binigyang diin pa ng opisyal na ang pagsasailalim sa full alert status ay upang mapigilan  kung hindi man mabawasan ang mga pagdanak ng dugo.

 

Show comments