MANILA, Philippines - Natagpuang wala ng buhay ang isang binata dahil sa mga tama ng saksak na natamo nito buhat sa hindi pa nakikilalang salarin sa loob ng kanyang bahay sa Caloocan City kahapon ng umaga.
Nakilala ang biktima na si Orlie Castello, 29, residente ng Asuncion St., Morning Breeze Subdivision, ng naturang lungsod. Sa inisyal na ulat ng pulisya, dakong alas-7 ng umaga nang madiskubre ng ina ng biktima ang duguang katawan ni Orlie sa loob ng bahay. Tadtad ng tama ng saksak ang biktima na sanhi ng kanyang kamatayan.
Blangko naman ang ina na si Merlita sa pangyayari dahil sa natutulog siya at inakala niyang nasa kanyang kuwarto ang biktima buong magdamag. Patuloy naman ang imÂbestigasyon ng pulisya sa insidente kung saan inaalam kung nanggaling sa labas ang biktima at may nakaaway o sa loob mismo ng kanyang bahay ito pinaslang.