Pinagtataguan ng pagkain Lolong pensiyonado nagbigti

MANILA, Philippines - Isang 65-anyos na lolo ang nagbigti at tuluyang nasawi, bunsod umano ng  mga kinikimkim na sama ng loob sa pamilya, sa Sta. Ana, Maynila, kamakalawa ng hapon.

Dalawang suicide note ang narekober ka­ugnay sa pagpapakamatay ng biktimang si Arturo Garcia, ng no. 1774 Kalahi St., Punta, Sta. Ana Maynila.

Bilin nito sa unang suicide note na sunugin ang kan­yang bangkay at itapon sa Pasig River habang ang ikalawa naman ay hinanakit na nagsasabing: “pinagtataguan nila ako ng pagkain, dala­wang araw na akong hindi kumakain.”

Pinabulaanan naman  ng misis ng biktima na pinagtataguan nila ito ng pagkain kaya nagpa­­ ka­matay.

Nakiusap rin ang pa­milya ng biktima na huwag nang magsagawa pa ng ma­lalimang imbestigasyon dahil wala namang foul play sa insidente, ayon kay SPO1 Ronald Gallo ng Manila Police District-Homicide Section.

Nadiskubreng naka­bigti ang biktima dakong alas-3:00 ng hapon ng Sabado, sa tabi ng  hagdanan ng kanilang bahay.

Depresiyon umano sa buhay dahil gipit sa pera na lalo pang nadagdagan ang pagkadismaya sa buhay dahil bago umano matagpuang na­kabigti ay nasak­sihan pa ang pagsusuntukan ng kaniyang dalawang anak na lalaki.

 

Show comments