MANILA, Philippines - Dalawa katao, kabilang ang isang babae at isang batang lalaki ang magkasunod na natagpuan sa creek sa Vitas, Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sa report ng pulisya, dakong alas-6:00 ng gabi nang unang madiskubre ang nakalutang na katawan ng isang batang lalaki na may edad sa pagitan ng 12-14, may taas na 4’2’’ hanggang 4’10’’, nakasuot lamang ng kulay berde na underwear sa may Estero de Vitas sa may Aplaya, Vitas, Tondo. Hinihinalang nalunod sa paliligo ang bata.
Dakong alas-8:00 naman ng gabi nang madiskubre ang pangalawang bangkay na inilarawan na may katabaan na babae, tinatayang may edad sa pagitan ng 20-30, mahaba ang buhok, nakasuot ng kulay itim na t-shirt at itim na short pants, sa riverside, Katuparan, Vitas, Tondo.
Maliban sa gasgas sa kanyang likuran, wala nang iba pang nakitang palatandaan na pinahirapan ang biktima. Ang bangkay ng mga biktima ay kasalukuyang nakalagak sa Universal Funeral Homes para sa safekeeping at awtopsiya.