Engineer utas sa holdap

MANILA, Philippines - Patay ang isang civil engineer matapos  holdapin at barilin ng sumpak ng hindi pa kilalang mga suspect kahapon sa Malabon City. Nasawi noon din sanhi ng tama ng bala sa dibdib ang biktimang si Danilo Omamalin, 54,  ng Zulueta St., Cabanatuan.

Sa ulat ng Caloocan City Police, naganap ang insidente, dakong alas-7:00 ng umaga nang sumakay ang biktima sa bangka ni Federico Florez Jr., 24, sa Brgy. Dampalit, Malabon City upang magpahatid sa Echo Shield Land Fill Development Corporation sa Salabao, Obando, Bulacan.

Hindi pa nakakalayo ay hinarang na ito ng mga suspect na mga  naka-bonnet sakay din ng bangkang de-motor.

Agad na tinutukan ng  baril ng mga suspect ang biktima saka kinuha ang bag at mahahalagang gamit nito. 

Sa kabila na nakuha na ang pakay bago tuluyang tumakas ay binaril pa ng isa sa mga suspect ang biktima na naging dahilan sa pagkasawi  nito.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya hinggil sa insidente.

Show comments