2 bangkay ng lalaki, natagpuan sa abandonadong bahay

MANILA, Philippines - Dalawang hindi pa nakikilalang lalaki  na pinaniniwalaang biktima ng summary exe­cution, ang natagpuang patay sa ilalim ng kama sa loob ng isang abandonadong bahay sa Marikina City, kamakalawa ng gabi.

Inaalam na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan sa mga biktima na ang isa ay inilarawang may tattoo ng sapot ng gagam­ba at nakasuot ng short pants at puting t-shirt na may nakasulat na pangalang Andi San Martin, habang ang isa naman ay inilarawang may katabaan ang pangangatawan at nakasuot ng kulay itim na jersey at short pants.

Ayon kay PO3 Ryan Escorial ng Marikina City Police, dakong alas-7:00 ng gabi nang matagpuan ang bangkay ng mga bik­tima sa ilalim ng kama sa isang abandonadong bahay sa Malunggay St., Brgy. Tumana, Ma­rikina City.

Binusalan umano ng panyo ang bibig ng isa sa mga bangkay at parehong nakatali ng nylon cords ang mga kamay ng mga ito.

Hinala ng pulisya na biktima ng sum­mary execution ang dalawa, na kapwa na­matay umano sa pamamagitan nang pagbigti o pagsakal sa kanila.

Nabatid na isang text message ang natanggap ng mga pulis mula sa isang concerned citizen na siyang nag-imporma sa kanila hinggil sa kinaroroonan ng mga bangkay.

Batay sa imbestigasyon, matagal nang walang nakatira sa naturang bahay mula pa nang manalasa ang Habagat noong nakaraang taon. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kaso.

Show comments