QC shootout: Holdaper utas

MANILA, Philippines - Isa sa dalawa umanong holdaper ang napatay, maka­raang makipag-engkuwentro sa mga operatiba ng Quezon City Police District, ilang minuto matapos na holdapin ng mga ito ang isang pampasaherong UV Express taxi at tangayan pa ng motorsiklo ang isang kagawad sa lungsod Quezon.

Kinilala ang nasawing suspect na si Jonathan Ragundias, 31, na kinilala ng kanyang live-in partner na si Remelyn Borromeo.

Sinabi ni Borromeo sa tanggapan ng CIDU na magse-ce­leb­rate sana ng kanyang kaarawan ang nasawi nang gabing­ mangyari ang insidente.

Sa pagsisiyasat, nangyari ang engkuwentro sa may Aurora­ Blvd., Fly-over na matatagpuan sa San Martin de Porres, Cubao­, ganap na alas-11:10 ng gabi.

Bago ito, ang mga biktima na sina April Joy Aguilar, 24, Ricky Nacario, 21; at Annalyn Ladrio, 20; ay mga pasahero ng UV Express Taxi ((PWY-189) kasama ang dalawang suspect na nagkunwaring mga pasahero.

Ayon sa mga biktima, habang binabagtas nila sakay ng taxi na may biyaheng Cubao-Quiapo ang kahabaan ng E. Rodri­guez Blvd., partikular sa harap ng St. Lukes hospital ay bigla na lamang umanong nagdeklara ng holdap ang mga suspect na armado ng patalim at baril.

Kasunod nito, agad na pinagkukuha ng mga suspect ang dalang bag at gamit ng mga biktima, at pagsapit sa 12th St., ay saka nagsipagbabaan.

Pagkababa ng mga suspect sa nasabing lugar, hindi pa na­kuntento ang mga ito, dahil nang makita ang nakaparadang motorsiklo ni Roberto Lim, 52, barangay kagawad na noon ay nasa gilid at umiihi ay sinakyan nila ito at puwersahang tinangay.

Tiyempo namang nagpapatrulya ang tropa ng QCPD-CIDU­ sa lugar sakay ng mobile QC-42 at hinarang ni Lim saka hini­ngan ng tulong.

Agad namang isinakay ng mga awtoridad si Lim at hinabol ang mga suspect. Subalit nang muling maispatan ang motor­siklo ng mga awtoridad ay tanging si Jonathan na lamang umano ang sakay at wala na ang kasamahan nito.

Sa puntong ito, nagpasya ang mga awtoridad na mag-overtake sa motorsiklo ng suspect upang pahintuin ito, pero sa halip na sumunod, pinaputukan ng huli ang mga una, sanhi para gumanti ng putok ang mga pulis na ikinasawi ng suspect.

Narekober sa lugar ang ilang  basyo ng bala, isang kalibre 38 baril na may apat na bala at isang cartridge case nito; isang fired cartridge case ng kalibre 45; isang kulay itim na SYM motorcycle at backpack na naglalaman ng mga gamit ng mga biktima.

Show comments