MANILA, Philippines - Patay ang isang 34-anyos na mister makaraang pagbabarilin ng isang lalaki sa harap mismo ng kanyang anim na taong gulang na anak sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Si Nelson Norumbaba, ng 2nd St., BF Road, Brgy. Holy Spirit ay nagawa pang maitakbo sa ospital, ngunit binawian din ng buhay.
Mabilis namang tumakas ang suspect na inilarawan na nasa taas na 5’2’’, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng kulay asul na t-shirt at itim na pantalon.
Nangyari ang insidente sa kahabaan ng Commonwealth Avenue malapit sa panulukan ng Samonte St., Brgy. Holy Spirit, ganap na alas-12:30 ng hapon.
Ayon sa testigong si Simplicio Cabenta, busy siya sa pagbabantay sa kanyang tinda sa nasabing lugar nang matanaw niya ang biktima at anak nitong si Marion na naglalakad.
Bigla umanong sumulpot ang suspect na armado ng baril at pinagbabaril ang biktima, saka sumibat patungo sa Samonte St.
Isang nagmalasakit na taxi driver naman na si Morales Chavez ang agad na nagtakbo sa biktima sa East Avenue Medical Center suÂbalit idineklara din itong dead- on-arrival.
Narekober sa lugar ang pitong basyo ng cal. 45 baril.
Patuloy ang imbestigasÂyon ng awtoridad sa nasabing insidente.