Bus bumangga sa trak, konduktor patay
MANILA, Philippines - Patay ang konduktor ng isang bus habang tatlo ang sugatan makaraang salpukin ng isang pampasaherong bus ang trak na nakaparada sa kahabaan ng President Osmeña Highway sa Makati City kahapon ng madaling-araw.
Namatay habang isinusugod sa Makati Medical Center ang biktimang si Ricky Monton, konduktor ng JAC Liner. Halos 30 minuto pa ang tumagal bago nahugot ang katawan nito sa wasak na bahagi ng bus.
Sugatan naman ang pasaherong si Henry Abrera maging ang dalawang pahinante ng binundol na trak na sina Marvin Penaverde at Harold Escalante.
Tumakas naman at kasalukuyang hinahanap ang bus driver na si Policarpio Ilagan, na posibleng sugatan rin dahil sa pagkawasak ng unahang bahagi ng bus.
Sa paunang ulat ng MakatiÂ-Traffic Management Unit, dakong ala-1 ng madaÂling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng President Osmeña Highway malapit sa kanto ng Arnaiz Avenue.
Mabilis umano ang paÂtakbo ni Ilagan sa bus hanggang sa mawalan ng kontrol at masalpok ang 10-wheeler na trak na nakaparada sa gilid ng highway dahil sa nabutasan ng gulong.
Ayon sa driver na si Guillermo Ebane, kumpleto naman sila ng early warning device kaya nakapagtatakang hindi pa rin napansin ng bus ang kanilang saÂsakyan.
Dumating naman sa lugar ang mga kinatawan ng JAC Liner para alalayan ang mga biktima.
Nanawagan naman ang pulisya kay Ilagan na sumuko upang maipagtanggol ang sarili.
Nakatakdang sampahan ito ng kasong homicide at multiple physical injuries thru reckless imprudence.
- Latest