MANILA, Philippines - Makaraan ang apat na araw na pagkawala, naibalik na sa kanyang mga magulang ang 3-anyos na batang lalaki na nawala sa may MRT-Kamuning Station sa Quezon City.
Ito ay makaraang dalhin ng mag-asawang Alexander at Jennifer Cruz sa Pasay City Police ang batang si John Gabriel Calimag kahapon ng umaga.
Agad namang nakapiling ni John Gabriel ang mga magulang na sina Joel at Grace Calimag nang dumating ang mga ito habang nagsasagawa ng pulong-balitaan sa loob ng Pasay Police Headquarters si NCRPO director Leonardo Espina.
Sa salaysay ng mag-asawang Cruz, ipinasa sa kanila ang umiiyak na si John Gabriel ng dalawa pang mas matandang bata sa may MRT station. Dahil sa pangamba sa balita na may kumukuha ng lamang-loob ng mga bata, nagpasya sila na kupkupin muna ang bata at saka ibibigay sa magulang kapag lumantad na ang mga ito.
Napatagal umano ang pag-ulat nila sa pagkakakuha sa bata dahil sa inabutan sila ng “holiday†noong Martes at naiulat lamang ito sa Pasay Police Community Precinct (PCP) 5 nitong Miyerkules. Nakilala rin umano ng isa sa mga anak ng Cruz si John Gabriel nang maibalita ito sa telebisyon.
Samantala, isa pang nawawalang bata ang nadampot ng mga awtoridad sa Pasay City. Nagpakilala ang bata sa pangalang Pinoy, 9, at nakatira sa lalawigan ng Cavite. Nanawagan naman si Espina sa mga magulang ni Pinoy na sunduin ang anak.
Bukod dito, sinabi ni Southern Police District Director Chief Supt. Jose Erwin Villacorte na dalawang kaso na lamang ang kanilang tinututukan. Kabilang dito ang pagkawala ng 6-taong gulang na si Jose Ja-el Flores, nawala sa Parañaque noon pang Nobyembre 2012 at pagkawala sa Taguig City nitong Marso 27 nina Dayne Buenaflor at James Narag, kapwa 3-anyos.