MANILA, Philippines - Dalawang pulis ang nasa balag ng alanganin dahil sa umano’y pangongotong ng halagang P2,000 mula sa isang lalaki sa lungsod Quezon.
Ayon kay PO2 Julius Balbuena, kasong robbery ang inihahanda nila laban kina PO2 Frederick Mar Silos at PO1 Ervin Villarama, kapwa nakatalaga sa Masambong Police Station.
Ang kaso ay nag-ugat sa reklamo ni Frederick Pabilando, 39, residente ng Felipe St., Brgy. Damayan, San Francisco del Monte, sa lungsod. Sa pahayag ni Pabilando sa pulisya, nakuha sa kanya ng dalawang pulis ang P2,045 nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng Alhambra St., Brgy. Damayan noong Abril 2, ganap na alas-11:45 ng gabi. Sinasabing tinutulungan niyang mailabas mula sa parking ang isang sasakyan nang dumating ang dalawang pulis sakay ng isang motorsiklo.
Dito ay sinabihan umano si Pabilando ng dalawang pulis na ipakita ang laman ng kanyang bulsa. At nang makita ang pera ay kinuha umano ito ni Silos. Matapos nito ay isinakay ng mga pulis si Pabilando sa motorsiklo na minaneho ni Villarama.
Pagsapit sa panulukan ng Tolentino at George Canseco Streets ay ibinaba ang biktima. Sa takot, nagtatakbo ang biktima at mabilis na dumiretso sa barangay hall para maghain ng inisyal na reklamo.