MANILA, Philippines - Itinanggi kahapon ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) na may organisadong sindikato na nandudukot ng mga paslit sa Kamaynilaan kasabay ng muÂling kumalat na text message ukol dito.
Ito ay kasunod ng pagkaÂmatay ng isang apat na taong gulang na bata sa Pililia, Rizal at pagkawala ng dalawang bata sa lungsod ng Taguig at isa sa Quezon City.
Sinabi ni NCRPO Director Leonardo Espina na kung totoong may sindikatong nandurukot ng mga bata ay mas marami ang bilang ng mga batang nawawala.
Sa inilabas na talaan ng NCRPO na noong nakaraang taon, 38 lamang ang mga batang nawawala, 36 dito ay naibalik sa kani-kanilang pamilya dahil naglayas lamang, habang ang iba naman ay kung saan-saan lamang nakarating dahil sa paglalaro.
Maaari umano na posibÂleng kapabayaan din ng mga magulang o kaya ay sinasaktan o inaabuso ang mga bata kaya nakakaisip na maglayas ang mga ito.
Inatasan naman ni Espina si Sr. Supt. Arthur Felix Asis, hepe ng Taguig Police, na tutukang mabuti ang kasong pagkawala ng dalawang bata na sina James Naraga, 3-taong gulang at Dayne Buenaflor, 4-anyos, na magdadalawang linggo nang nawawala.
Samantala, nais din ng publiko na tutukan ng NCRPO ang posibleng sindikato ng mga pulubing bata sa Maynila na sumasampa sa mga pampasaherong jeep, kumakanta, at nanghihingi ng limos gamit ang sobre. Bukod sa maÂaaring inaabuso ang mga bata, lantad din sa panganib sa kalsada ang mga paslit na humahabol at sumasabit sa mga jeep.