Lady cop nakipaglaban sa holdaper, pinarangalan

MANILA, Philippines - Ginawaran kahapon ng Medalya ng Sugatang Magiting ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Alan Purisima ang isang bayaning babaeng pulis na nagpakita ng katapangan matapos makipaglaban sa naarestong holdaper sa bigong panghoholdap sa isang pampasaherong jeepney sa lungsod ng Maynila.

Kinilala ang baya­ning lady cop na si PO2 Edlyn Arbo, encoder ng Detection and Investigation Division Management (DIDM) ng Eastern Police District.

Si Arbo ay buong tapang na nakipaglaban sa suspect na si Christopher Berana, 34 anyos, miyembro ng “Bahala na Gang” na nagdeklara ng holdap sa isang pampasaherong jeepney na sinasakyan nito noong Abril 4 sa kahabaan ng Magsaysay Boulevard, Sta. Mesa, Manila dakong alas-6:45 ng­ ­umaga.

Nakipagpambuno naman si Arbo sa pata­lim ng suspect na bagaman nasaksak ito sa kaliwang hita at kamay ay hinabol ang holdaper hanggang sa maaresto sa tulong ng mga bystander.

Ikinuwento ni Arbo na patungo siya sa kaniyang review class sa Maynila ng magdeklara ng holdap ang suspek na katabi nito sa upuan.

Nabatid pa rito na halos puro babae sila sa jeepney kung saan ginamit niya ang konting kaalaman sa martial arts sa pakikipaglaban sa suspect hanggang sa maagaw niya ang patalim.

Ayon dito, nagawa rin niyang masaksak sa likod ang holdaper at bago ito tumalon sa jeepney ay tinadyakan pa siya sa hita.

Sa ipinamalas na katapangan ni Arbo, mismong si Purisima ang naggawad rito ng Medalya ng Sugatang Magiting sa simpleng seremonya kahapon ng hapon sa Camp Crame. Bukod dito ay tumanggap rin si Arbo ng P10,000 at 1 year insurance.

Binigyang diin naman ni Purisima na kakaibang katapangan ang ipinamalas ni Arbo lalo pa at isa itong babae na dapat pamarisan ng iba pang mga pulis sa buong bansa.

 

Show comments