MANILA, Philippines - Arestado ang isang Jordanian national makaraang tangkain nitong mandenggoy ng ilang piraso ng cellphone prepaid card sa pamamagitan ng pagpapalit ng bagong card mula sa nagamit nang card sa isang convenience store sa lungsod Quezon, kahapon. Si Sam Rashed, 53, may-asawa, negosyante ng Winkain St., F.B. Harrison, Pasay City ay inaresto base sa reklamo ng management ng 7-11 sa pamamagitan ng representante nitong si Lea-Anne Landicho, 25.
Nag-ugat ang reklamo laban sa dayuhan nang pumasok ang suspect sa tindahan at bumili ng isang sigarilyo. Matapos nito ay naglakad-lakad ang suspect sa loob saka bumalik sa counter at humingi ng dalawang piraso ng Globe prepaid card na halagang P500 at dalawang piraso ng card ng Smart na P300.
Pero habang nakikipag-usap ang suspect kay Landicho, mabilis na pinalitan nito ang iniabot na load card ng huli ng lumang card. Ang ginawa ng dayuhan ay nakita ni Landicho dahilan para komprontahin niya ito.
Dahil dito, mabilis na ibinalik ni Rashed ang mga cards kay Landicho, saka tinangkang tumakbo pero naharang agad siya ng security guard na si Mark Mayola at inaresto saka dinala sa himpilan ng Police Station 7 hanggang sa Criminal Investigation and Detection Unit sa Camp Karingal.