MANILA, Philippines - Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI ) ang isang empleyado ng Manila City Hall matapos umanong mangikil sa isang aplikante para sa karagdagang building permit sa Arroceros, Maynila.
Mismong sa tanggapan ng Department of Engineering and Public Works ng city hall dinakip si Arsenia L. Panlilio, alias Bec Panlilio, 43, biyuda, Administrative Aide VI bunsod na rin ng reklamo ni Sunshine Mae Pelicano noong Pebrero 2013 sa NBI Anti-Graft Division.
Nabatid na nag-aapply umano ng building permit si Pelicano dahil sa dagdag na construction sa ikatlong deck levels ng kanyang gusali sa Sta. Ana, Maynila at sinabihan siya ni Inspector Neptali Talastas na meron siyang nagawang paglabag.
Dahil dito ay nagtungo si Pelicano sa city hall at inalam kung paano maaayos ang kanyang nagawang paglabag. Sinabihan umano siya ni Panlilio na kailangang magbayad ng P15,000 para sa soil test, structure at design. Humingi siya ng official receipt pero tumangging mag-isyu si Panlilio.
Noong Pebrero 25, 2013, nagpunta muli si Pelicano sa city hall at hinanap niya si Panlilio ngunit nanghingi muli ng karagÂdagang P20,500, na ang P10,500 ay para umano sa sanitary inspection at ang P10,000 ay para umano kay Talastas at kung hindi umano siya makapagbibigay ay magpapataw umano ng karagdagang penalty si Talastas.
Dahil dito ay tumangging magbigay si Pelicano dahil wala namang binibigay na resibo si Panlilio.
Dito na humingi ng tulong si Pelicano sa NBI noong Marso 26 para maghain ng reklamo at kaagad naman nagplano ng entrapment operation.
Muling kinausap ni Pelicano si Panlilio at nagkasundo ang dalawa na dalhin sa opisina ng huli sa Room 334 ng Manila City Hall building ang P20,500 at sa aktong hawak ni Panlilio ang marked money ay inaresto ito ng NBI.