MANILA, Philippines - Patay ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo makaraan silang sumalpok sa isang pampasaherong bus na magbaba sana ng pasahero sa isang lugar sa Commonwealth Avenue, lungsod Quezon kahapon ng madaling araw.
Ayon kay PO2 Allan Paul Florendo ng Quezon City Police Traffic Sector 5, ang mga biktimang ay kinilalang sina Mamerto Balgos IV, 19; at Christopher Villablance, 20; kapwa residente sa Bituan Compound, Brgy. Commonwealth sa lungsod.
Ang dalawa ay nasawi matapos na sumalpok ang kanilang sinasakyang motorsiklo (3200-QB) sa bus na Precious Grace transport (TXK-468) na minamaneho ng isang Ruben Bolanos, 49, ng Palmera Homes San Jose Del Monte Bulacan.
Sa pahayag ni Crisanto Gragacin, traffic aide ng TS5, ang dalawa ay kapwa walang suot na helmet kung kaya nagtamo ang mga ito ng matinding pinsala sa kanilang mga ulo at katawan na agad nilang ikinasawi.
Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Commonwealth Avenue, partikular sa harap ng gusali ng Commission on Audit (COA) ganap na alas-12 ng hatinggabi. Diumano, galing ng Philcoa ang bus patungong Fairview nang pagsapit sa COA building ay magbaba sana ito ng pasahero sa loading area nang biglang may kumalabog mula sa kanilang likuran.
Nang tingnan ng konduktor na si Gerald Catibog ang likuran ng bus ay nagulat na lang ito nang makita ang dalawa na napailalim sa bus at pawang mga duguan. Sinasabing mabilis ang takbo ng motorsiklo kung kaya hindi na ito nakaiwas pagsapit sa nasabing lugar at bumangga.
Halos madurog ang unahang bahagi ng motorsiklo sa lakas ng pagkakabangga sa bus, dahilan para masawi ang nasabing mga sakay nito.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.