Bahay pinasok noong Holy Week Aljur Abrenica, biktima ng Akyat-Bahay

MANILA, Philippines - Tulad ng inaasahan, sinamantala ng mga magnanakaw ang mahabang bakasyon ng residente nitong Holy Week, para looban ang bahay ng isang talent ng GMA network, isang money remittance center at isang tindahan ng beauty products, kung saan natangay ang may kabuuang P800,000 cash at gamit, sa lungsod Quezon.

Nagulat na lamang ang aktor na si Aljur Abrenica, 23, ng GMA Artist Center, sa kanyang bahay sa Sct. Fernandez St. sa Brgy. Sacred Heart na nawawala ang aabot sa P600,000 halaga ng cash, jewelry at high-end electronic devices, nang makabalik na sila ng kanyang pamilya nitong Sabado mula sa pagbabakasyon.

Sinabi ni Abrenica sa imbestigador ng Quezon City Police District (QCPD) Ka­muning station na iniwan nila ng kanyang pamilya na nakakandado ang pintuan ng kanilang bahay nitong March 27 (Holy Wednesday) ganap na alas-5 ng hapon para magbakasyon.

Pero pagkabalik nila, ganap na alas-3 ng hapon nitong Sabado, sabi ni Abrenica, ang main door ay nakabukas, at sa pag-inspek­syon sa kanilang kuwarto sa ikalawang pa­lapag ay nabatid na sinamsam ng mga suspect ang kanilang mga mahahalagang kagamitan.

Ayon kay SPO1 Jose Soriano, may hawak ng kaso, ang lock ng main door ay bahagyang nakabukas, at ang kabuuan ng ikalawang palapag ay nagkalat ang mga gamit na parang naghanap pa ang mga magnanakaw ng importanteng bagay na maaari nilang makuha mula sa tatlong kuwarto.

Nawawala kay Abrenica ang P150,000 cash; US$800 (tinatayang nagkakahalaga ng P32,644); P250,000 halaga ng alahas; gayun­din ang dalawang laptop computers at apat na high-end mobile phones na may kabuuang halagang P135,000.

Samantala, tila nagtrabaho ng magdamag ang mga magnanakaw mula Biyernes Santo hanggang Sabado de Gloria, para mapasok ang isang commercial building at pagnakawan ang shops ng dalawang umuupa nito ng ha­lagang  P200,000 cash.

Ang Western Union money remittance center at ang HBC (Home of Beauty Exclusives) Inc., pawang nakaupa sa may Splash Arcade sa panulukan ng Tuayan St. at Quezon Avenue­,  Brgy. Tatalon ay nawalan ng kinita na nakatago sa kanilang mga vaults.

Sinabi ni P/Supt. Norberto Babagay, hepe ng Galas Police Station, ang pagnanakaw ay nangyari sa pagitan ng alas-6 ng gabi ng Biyernes at alas-6:30 ng umaga ng Sabado de Gloria, habang ang mga tindahan ay sarado at walang bantay.

Ang mga suspect ay gumamit ng bolt cutters­ para maputol ang iron grills at mapasok ang tindahan at saka makuha ang pera sa vaults.

Ang pagnanakaw ay nadiskubre ng HBC cashier na si Maria Cristina Oclos at security guard na si Ian Rosalejos nang buksan ang tindahan para magsimula ng kanilang negosyo nitong Sabado.

Dagdag ni Babagay, bukod sa dalawang araw na kita ng HBC na aabot sa P70,000 cash, kumuha pa ng mga kalakal na tinda ang mga suspect.

Ang  Western Union, naman anya, ay natangayan ng may P115,000 cash; isang wire­less internet transmitter; at isang mobile phone charger.

 

Show comments