Tondo, hindi pugad ng kriminal – Congressmen

MANILA, Philippines - Huwag gamitin sa pamumulitika ang  Tondo, kung saan sinisira ang  imahe nito sa pama­magitan ng  pahayag na pugad umano ito ng mga kriminal.

Ito naman ang  panawagan  nina Congressmen Carlo Lopez (District 2) at Atong Asilo (Districts 1), matapos na  gamitin ng pinatalsik na  si pangulong Joseph Estrada para sa kanyang kandidatura ang paninira hindi lamang sa lugar  kundi maging sa mga residente ng Tondo.

 â€œMasakit marinig na sabihan ang Maynila na isang pugad ng mga kriminal. Narito ang Tondo na itinuturing bilang isa sa pinakamatandang rehiyon o lugar sa siyudad. Dahil dito, ito ay punong-puno ng kasaysayan,” ani Lopez.

Ayon kay Lopez, hindi maikakaila na ang Tondo ay lugar ng mga bayani na kinabibilangan nina Rajah Lakandula,  Rajah Soliman, Gat. Andres­ Bonifacio, Emilio Jacinto, at marami pang  iba kung kaya’t walang basehan na taguriang  pugad ng mga kriminal ang Tondo.

Maging ang mga national artists na sina Francisco Baltazar, Amado Hernandez, Atang deLa Rama at Levi Celerio ay tubong Tondo.

“Hindi porke’t may mga kapus-palad at mahihirap sa Maynila eh puwede nang bansagan ng kahit sinuman na pugad ng kriminal.  Masakit marinig ang mga katagang iyon dahil kahit kelan taas- noo kong ipagmamalaki ang Maynila lalo na ang bayan ng Tondo,” dagdag pa ni Lopez.

Para naman kay Asilo, ipinagmamalaki niya na ipinanganak siya sa Maynila dahil ang Manilenyo  ay  masi­sipag, mapagpunyagi at mababait.

“’Yung nagsasabing tahanan ng kriminal ang Maynila, maybe they are referring to another place. Huwag sanang ma­liitin at gamitin para sa pulitikal na interes ang lungsod ng Maynila, lalo na ang bayan ng Tondo dahil ang mga tao dito ay mababait, makabayan at may integridad,”  ani Asilo.

 

Show comments