MANILA, Philippines - Dinala na sa UP Manila ang labi ng freshman student na si Kristel Tejada kahapon ng umaga.
Mula sa Santuary Funeral Homes sa Sta Cruz, Manila, pansamantalang inilagak ang labi ni Kristel sa Rizal Hall ng UP Manila, na dumating dakong alas-9:30 ng umaga.
Pawang nakasuot ng itim, ang mga estudyante, kaklase, kaibigan, mga guro at mga kaanak na naghatid at sumalubong sa pagdating ng labi ni Kristel sa naturang uniÂberÂsidad.
Makikita rin sa daanan patungong Rizal Hall ang ilang mga mensahe para kay Kristel ng kanyang mga kaklase at kaibigan na nakasulat sa mga puting tarpaulin.
Nabatid na mula sa Sanctuary Funeral Homes sa Sta. Cruz, Maynila, inilipat ang labi ni Tejada sa UP Manila para mabigyan ng huling respeto at necrological services ng kanyang mga kaibigan, propesor at kaeskwela.
Sa stage ng Rizal Hall idiniretso ang labi ni Kristel at dito kasamang naka-display ang mga naging uniform niya sa UP, mga medalya at awards.
Dakong 10:00 ng umaga nang sinimulan ang public viewing kay Tejada kung saan nag-alay ng bulaklak ang unang 1,000 sumilip sa labi nito.
Tumagal ang unang public viewing hanggang 12:00 ng tanghali, at pansamantalang itinigil para sa misa at muli itong binuksan sa publiko ganap na ala-1:00. Alas- 5:00 ng hapon ay muling nagmisa at sinundan ng tribute.
Ngayong umaga ay magpapalipad ng pula at puting lobo ang mga estudyante ng UP Manila sa labas ng gate ng College of Arts and Sciences.