Labi ni Kristel, ililipat sa UP Manila campus
MANILA, Philippines - Kasado na ang mga inilatag na aktibidad para sa paglilipat ng mga labi ng pumanaw na UP student na si Kristel Tejada patungo ng UP Manila Campus.
Sinabi ni UP-Manila Professor Andra Martinez, alas-9:00 ng umaga ngayong araw ay ililipat sa UP Manila College of Arts and Sciences ang mga labi ni Tejada.
Mula 10:00 hanggang alas-12:00 tanghali ay bubuksan sa public viewing sa labi ni Kristel. Ang unang isang libong sisilip sa labi ni Kristel ay mag-aalay ng rosas na paboritong bulaklak ng dalaga. Pagsapit naman ng 12:00 hanggang ala-1:00 ng hapon ay isang misa ang idaraos at matapos ito hanggang alas-4:00 ng hapon ay muling bubuksan sa public viewing.
Pagsapit ng alas-5:00, isa pang misa ang gaganapin na susundan ng tribute.
Kinabukasan, Biyernes ng umaga ay magpapalipad ng pula at puting lobo ang mga estudyante ng UP Manila sa labas ng gate ng College of Arts and Sciences.
Bandang alas- 9:00 ng umaga ay funeral march patungo ng Mehan Garden, dadaan sa Rizal Avenue kung saan naman naghihintay ang ilang militanteng grupo, estudyante at kaibigan para magsaboy ng confetti sa kabaong ni Kristel, bago tuluyang bumalik sa Sanctuary Funeral Homes sa Batangas St. sa Sta. Cruz, Maynila kung saan naman ito nakaburol.
- Latest