MANILA, Philippines - Kulungan ang bagsak ng isang lalaki makaraang mang-hostage ng isang sakristan sa loob ng isang chapel sa lungsod Quezon.Kinilala ni Superintendent Marcelino Pedrozo, commander ng Cubao Police station, ang suspect na si Roel Sabaceo, 38, ng Atimonan, Quezon.
Sabi ni Pedrozo si Sabaceo ay naaresto matapos ang pangÂhohostage na ginawa nito sa loob ng Immaculate Concepcion Chapel na matatagpuan sa Lantana St., Brgy. Immaculate Concepcion, Cubao, ganap na alas-6 ng umaga.
Ayon kay SPO1 Jose Sariano, kasalukuyang may prayer meeting sa loob ng chapel ng nasabing oras ng biglang pumasok ang suspect na may bitbit ng baril at tinutukan ang nananalaÂnging parishioner.
Dito ay agad na hinawakan ng suspect ang sakristan na si Cicero Reterta, 42, at dinala sa radio room.
Isinalawan ni Soriano ang suspect na mentally unstable.
Ayon naman sa sakristang mayor, sinabihan umano siya ng suspect na tumawag ng media, pero hindi naman sinabi kung ano ang demand nito.
Nang makakuha ng tiyempo, biglang hinawakan ni Reterta ang baril ng suspect sanhi upang magpambuno sila nito.
Nang makita naman ng sekyu ang pangyayari ay tumulong na ito para mahuli ang suspect. Dito ay saka lamang nalaman na ang dalang baril ng suspect ay toy gun.
Inamin naman ng suspect na nagulo ang kanyang isip dahil sa walang pambayad sa tuition fee ang kanyang anak na kumukuha ng nursing. HIndi umano niya alam ang gagawin kaya marahil nawala siya sa katinuan ng pag-iisip.