Binawalang sumakay konduktor ng bus patay sa 2 lasing na pasahero

MANILA, Philippines - Dahil sa pagbabawal sa kanilang makasakay, pinagsasaksak ng dalawang lasing na pasahero ang driver at konduktor ng bus na kanilang sinakyan, kamakalawa ng tanghali sa Las Piñas City.

Nasawi sa insidente si Virgilio Afante, 22, konduktor ng JNL Bus Co. na nagtamo ng saksak sa leeg habang kritikal ang kalagayan sa loob ng Las Pinas Medical Center ng driver na si Joseph Cama, 34, ng Green Valley, Molino II, Bacoor, Cavite.

Sa ulat ng Las Piñas Police-Homicide Section, naganap ang krimen dakong alas-12:10 ng tanghali sa loob ng JNL bus na minamaneho ni Cama.  Pumara ang dalawang suspek na kapwa nakasuot lamang ng short pants sa tapat ng Lozada Market sa may Casimiro Town Homes, Alabang-Zapote Road sa Brgy. Talon Uno.

Ngunit dahil sa nanga­ngamoy alak, inutusan ni Cama ang kanyang kon­duktor na huwag nang pasakayin ang dalawa ngunit nagpumilit ang dalawang lalaki.  Isa ang umupo sa likuran ng driver habang tumayo naman ang kasama nito.

Bigla na lamang tina­rakan ng patalim ng suspek ang driver na si Cama sa likod at nang tutulong si Afante ay pinagtulungan ng dalawang lalaki hanggang sa masaksak ito sa leeg.

Nagmamadaling bumaba sa bus ang dalawang salarin habang binalot naman ng takot ang ibang pasaherong sakay ng naturang bus.

Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng pulisya upang makilala ang dalawang suspect at agad na madakip ang mga ito at mapanagot sa pagkakasala sa batas.

Show comments