Taxi driver hinoldap ng 2 pasahero

MANILA, Philippines - Isa na namang taxi  driver ang hinoldap ng dalawa niyang pasahero at tinangay pa ang kanyang pinapasadang sasakyan kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City. Halos tulala ang biktimang si Salvador Desales, 38, nakatira sa Liwanag St., Old Balara, Quezon City nang mag-report ito sa himpilan ng Caloocan City Police.

Ayon sa pahayag ng biktima, namamasada siya ng kanyang taxi sa kahabaan ng Aurora Boulevard, Quezon City nang parahin siya ng dalawang kalalakihan at nagpahatid sa 10th Avenue, Caloocan City.

Dakong alas-1:10 ng madaling-araw,  pagsapit nila ng panulukan ng Gonzales at Villarosa Sts., Samson Road, Brgy. 173, Caloocan City nang bigla siyang tutukan ng patalim ng mga suspect  sabay na nagdeklara ng holdap.

Kinuha ng mga suspect ang wallet ng biktima na naglalaman ng P3,400, mga mahaha­lagang IDs nito. Hindi pa nasiyahan  kinarnap pa ng mga ito ang ABC taxi (TWU-954)  na kanyang pinapasada.       

Patuloy naman na nagsasagawa ng follow-up ang mga pulis laban sa mga suspect.

 

Show comments