Sa pagsu-suicide ng coed na walang pang-tuition fee: UP Manila inulan ng batikos

MANILA, Philippines - Mas dapat pang maging maunawain ang pamunuan ng University of the Philippines (UP) sa mga  estudyante na mahuhusay at nagsi­sikap na makapag-aral sa kabila ng kakula­ngan sa pambayad sa matrikula.

Ito ang binigyan-diin ni Professor Andrea Bau­tista Martinez ng Department of Behavioral Sciences at program  adviser ni  Kristel Tejada, 16, first year student na nagpakamatay sa pag-inom ng  silver cleaner.

Winakasan ni Tejada ang kanyang buhay ma­tapos na hindi makapagbayad ng  tuition fee at sapilitang papirmahin ng leave of absence.

Ayon kay Martinez, maituturing na brutal ang polisiya ng UP Manila para sa kanilang ipinatutupad na “no late payment scheme”.

Aniya, maraming pa­ngarap si Tejada suba­lit hindi na maisasaka­tuparan pa dahil na rin sa naging desisyon nito  matapos na ipatupad ang  nasabing policy.

“Sana may konting palugit para sa mga katulad niya na hirap na hirap po magbayad ng tuition. Ang panawagan namin, sana maging more compassionate on the part of the administration,”  ani Martinez.

Si Tejada ayon kay Martinez  ay  isa sa mga pinakamahuhusay niyang estudyante.

Giit pa ni Martinez,  na dapat ding sinisiguro ng  pamahalaan  na mabigyan ng  de kalidad na edukasyon ang mga estudyante lalo pa’t isang state university ang  UP.

Nabatid na sa nakaraang  limang  taon,   60 porsiyento ng mga pumasa sa UP College Admission Test (UPCAT)  ay hindi nakapag-enrol  dahil na rin sa  kakula­ngan  sa pangmatrikula.

“It’s a government obligation dahil ito’y state university tapos hinahayaan niyang ang mga estudyante ang mag-shoulder ng tuition,” ani Martinez.

Dapat aniyang  ipatupad ng pamahalaan ang kanilang obligasyon  sa mga estudyante sa pa­­mamagitan ng tinatawag na iskolar ng bayan.

Lumilitaw  sa report ng Philippine Collegian at Manila Collegian, ang biktima ay  isinailalim sa Bracket D ng  So­cialized Tuition and Financial Assistance Program (STFAP) kung saan  dapat itong magbayad ng P300 per unit  o  P7,500 per semester  na mayroong 18 units, kabilang na miscellaneous fees.

Umapela ng re-bracketing ang biktima subalit maipapatupad lamang ito sa susunod na academic year. Dito na nagdesisyon ang biktima na magsumite ng tuition loan para sa kanyang first semester subalit natapos lamang ito noong Disyembre.

Muling nakiusap ang biktima para sa tuition loan para sa kanyang  second semester  subalit hindi ito  inaprubahan ng UP Manila loan board.

Dito  na aniya nagsimulang  hindi pumasok ng klase ang biktima kung saan nawalan na din ito ng tiwala sa sarili  dahil sa kahihiyan.

 

Show comments