MANILA, Philippines - Wala umanong dapat sisihin kundi ang pamunuan ng UP Manila hinggil sa ginawang pagpapakamatay ng isang mag-aaral dito dahil walang perang pambayad sa tuition para makapag final exams.
Ito ang isinisigaw kahapon ng mga mag -aaral na sumugod kahapon sa tanggapan ng Commission on Higher Education (CHED) sa QC.
Ayon kay Cleve Arguelles, student-leader ng UP Manila na sumugod sa CHED, mismong ang mga magulang ng nagpatiwakal na si Kristel Tejada ang nagkumpirmang masyado itong nalungkot nang mapuwersa itong mag-leave of absence dahil hindi siya nakapagbayad ng tuition fee para sa kasalukuyang semester.
Sinabi ni Arguelles na hanggang noong nagdaang Miyerkules Marso 13 lamang ang itinakdang deadline ng UP Manila para makapag-bayad ng tuition fee ang mga estudÂyante at batay sa pinaiiral na “no late payment policy†mababalewala na ang kanilang buong semester dahil matatanggal sila sa listahan ng mga enrollees.
Ilang beses na umanong lumuhod ang magulang ni Tejada sa pamunuan ng UP Manila na mapagbigyan sila na makapag exam ang kanilang anak pero hindi sila pinagbigyan.
Sinasabing mula noong Miyerkules ay umiiyak palagi ang naturang mag-aaral.Nakiusap na din ito sa kanyang professor na matulungan pero hindi rin ito pinagbigyan.
Kahapon sa isinagawang rally ng mga estudyante sa harap ng CHED, mariin nilang kinondena ang naturang patakaran ng mga unibersidad, maging ang “no permit no exam policy†kasama na ang nakaamba na namang pagtataas ng tuition sa maraming unibersidad sa bansa.