Parak itinumba habang nagto-tong-its

MANILA, Philippines - Patay ang isang pulis matapos itong barilin ng hindi pa nakilalang suspect habang ang una ay naglalaro ng tong-its habang sugatan naman ang dalawang kababaihan  nang tamaan ng ligaw na bala kamaka­lawa ng gabi sa Pasay City.

Dead-on-the-spot si PO3 Alberto Aladano, 48, nakatalaga sa NCRPO-Regional Personnel Holding and Auditing Unit (RPHAU) at residente ng  6-A Minahan St., Marikina City sanhi ng tinamong tama  ng bala sa katawan buhat sa kalibre .45 baril.

Sugatan naman ma­tapos tamaan ng ligaw na bala si Marisa Sese. 44, ng Acacia St., Bo. Sto Niño. Nasaktan din si Delima Habingan, 54, na kasalukuyang nagluluto nang tamaan ng ligaw na bala ang kawali na puno ng kumukulong mantika na naging dahilan upang mabanlian ang kanyang dibdib.

Batay sa imbestigas­yon ni SPO1 Joel Lan­di­cho ng Station ng Pasay City Police, naganap ang insidente  dakong alas-6:00 ng gabi  sa panulukan ng Acacia at Lawaan Sts.,  Bo. Sto. Niño ng naturang siyudad.

Napag-alaman na nagkatinginan muna ang suspect  at ang pulis na kasalukuyan namang naglalaro ng tong-its,  nang bigla na lamang bumunot ng baril ang suspect at pinaputukan kaagad si Aladano.

Hindi na nakaganti pa ng putok ang pulis.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa krimen.

 

Show comments