Brgy. chairman, itinumba ng tandem

MANILA, Philippines - Patay ang isang barangay chairman nang pagbabarilin ng riding in tandem habang ang una ay naglilinis ng kanyang kotse sa Valenzuela City kahapon ng umaga.

Dead-on-arrival sa Valenzuela Emergency Hospital sanhi ng mga tama ng bala sa katawan ang biktimang  si Ronald Legazpi, 46, chairman ng Brgy. Libutan, Meycauayan, Bulacan.

Habang sinusulat ang balitang ito ay ina­alam pa ang pagkakakilanlan ng mga suspect.

Sa ulat ng Valenzuela City Police, naganap ang insidente  dakong alas-6:00 ng umaga sa isang bahay ng biktima sa Alcanar St., Brgy. Wawang Pulo ng nabanggit na lungsod.

Nabatid na nililinis ng biktima ang kanyang kotse na Honda City sa tapat ng kanyang bahay  ng biglang sumulpot ang mga suspect  at paulanan ng bala ang una.

Matapos ang insidente ay tumakas ang mga suspect  habang dinala naman ang biktima sa  nabanggit na ospital, subalit hindi na umabot ng buhay. Inaalam na kung may kinalaman sa pulitika  ang motibo sa nasabing insidente.

 

Show comments