Killer-holdaper ng cum laude ng PLM, tukoy na

MANILA, Philippines - Kilala na ang hol­daper na pumatay sa isang cum laude ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM)  na namamasukan sa isang kilalang hotel, kama­kailan.

Sa isinagawang ope­rasyon kama­kalawa ng ha­pon,  sa halip na ang suspect na si Melvin Balajadia, 24, residente ng   Tambunting St., Sta. Cruz, Maynila, ang ama nitong si Alvino Balajadia, 52, ang binitbit ng mga pulis matapos na maberipika na may nakabinbing warrant of arrest laban dito.

Si Melvin umano ang inginungusong pumatay sa biktimang si Christine Dawn Concepcion, 20, empleyado ng Intercontinental Hotel (Dusit Hotel)  at residente ng  2nd Ave., Caloocan City. Si Christine ay binaril at na­patay matapos manlaban sa  holdaper sa loob ng isang pampasaherong jeep noong madaling araw ng Miyerkules.

Si Alvino naman ay inaresto dakong alas- 4:00 kamakalawa ng hapon sa loob ng kanilang bahay dahil sa nakabinbin nitong kaso ng paglabag sa Sec. 2 RA 7832 (Anti Pilferage) noon pang 2009 sa Manila RTC Branch 17.

Ayon kay PO3 Rodel Benitez, ng Manila Police District-Homicide Section, pakay ng ope­rasyon ng pinagsanib na puwersa ng Homi­cide at MPD-station 7 si Melvin, na batay sa mga saksi, ay siyang humoldap at bumaril sa biktima, nang matunghayan ang kaniyang larawan sa Facebook account at natunton ang address.

Sa beripikasyon, si Melvin ay may nakabinbing kaso ng panghoholdap noong 2011.

Matatandaan na sumakay si Christine at isang Mary  Jane Indions, 30 ng Valenzuela City sa R. Papa St., sa minamanehong jeepney (PUZ 579)  ni  Domingo Yuson, 50 at  pagsapit sa Jose Abad Santos at Rizal Ave. Sta Cruz, Maynila  ay nagdeklara ng holdap ang dalawang lalaki kabilang  si Melvin. Nang tumangging ibigay ni Concepcion ang bag ay walang sabi-sabing binaril ito sa ulo.

 

Show comments