Manhunt vs humoldap, pumatay sa cum laude ng PLM inutos

MANILA, Philippines - Inutos ni Manila Mayor Alfredo Lim ang manhunt operation laban sa  dalawang lalaki na  humoldap at pumatay sa isang  cum laude ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila matapos na manlaban kamakalawa ng madaling-araw sa Maynila.

Kasabay nito hiniling din ni Jessie Concepcion, ama ng biktimang si Christine Dawn na imbestigahan ang Universal Funeral Homes sa Avenida Rizal dahil hubo’t hubad ang  kanyang anak nang makita nila ito sa  nasabing punerarya.

Kahapon  ay personal na dumulog kay Lim si Mang  Jessie  upang  mabig­yan ng  hustisya ang pagkamatay ng  kan­yang anak na Tourism graduate sa PLM at kasalukuyang nagtatrabaho  sa  Dusit Hotel sa Intercon sa Makati City.

Ayon kay Lim, inatasan na niya si MPD director Chief Supt. Alex Gutierrez upang papanagutin ang mga suspect  na hanggang sa ngayon ay nakalalaya pa rin.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya si Christine Dawn ay binaril at napatay dakong alas-4:05 ng madaling-araw  kamakalawa habang  lulan  ng pam­pasaherong jeep (PUZ 579) na minamaneho ni Domingo Yuson, 50, sa kanto ng Jose Abad Santos at Rizal Ave., Sta. Cruz, Manila.

Pumara ang suspect  at nagpanggap na pasahero subalit hindi pa man nakakalayo ang jeep ay naglabas ng kalibre 45, saka nagdeklara ng holdap at sapilitang kinuha ang cash at pera ng ilang pasahero.

Pumalag umano ang biktima at tumangging ibigay ang hinihingi ng holdaper kaya walang sabi-sabing binaril ito sa kaliwang mukha.

Show comments