Buhay bayad sa utang

MANILA, Philippines - Nasawi ang isang obrero makaraang pagsasaksakin ng screwdriver ng kasamahan nito sa barracks dahil sa pagtatalo ukol sa utang, kahapon ng madaling araw sa Pasay City.

Hindi na umabot ng buhay sa Pasay City General Hospital ang biktimang si Jose Maramag, 20, ng Block 1 Lot 7 Timog, Balagbag, Barrio Brgy. 201 ng naturang lungsod, habang mabilis namang tumakas ang suspect na si Francisco Macunat, 52-anyos.

Sa ulat ng Pasay Police, magkasamang nakatira ang dalawa sa iisang tirahan sa Barrio Balagbag kaya’t tiwalang pinautang ng suspek ang biktima ng hindi pa mabatid na halaga ng salapi.

Dakong alas-3 ng madaling araw nang komprontahin ng suspek si Maramag at singilin ang utang subalit humantong ito sa mainitang pagtatalo.  Dito nakakuha ng screwdriver ang suspek at sunud-sunod na inundayan ng  saksak ang biktima.

Mabilis na tumakas ang suspek makaraan ang pana­naksak. Nahaharap ito ngayon sa kasong homicide.

Show comments