2 nakuryente sa sunog sa QC

MANILA, Philippines - Dalawang lalaki ang nasugatan matapos na makuryente habang tumutulong sa pag-apula ng sunog na lumalamon sa may 10 kabahayan sa lungsod Quezon, kamakalawa.

Nakilala ang mga na­sugatan na sina Roberto Sineta, 35, electrician at R.J. Estinar, 25, security guard, kapwa residente sa Sitio Cabuyao, Brgy. Sauyo.

Sabi ni Alde, ang dalawa ay nasugatan habang tumutulong  sa pag-apula ng apoy na nangyari sa Sitio Cabuyao.

Dahil makitid ang kalye, nagpasya ang dalawa na dumaan sa bubungan, kung saan sila nakuryente dahil sa sala-salabat na kawad ng kuryente na nakalaylay sa bubong.

Nagsimula sa ground floor ng bahay ng isang Juan Haem sa Area 5-A Naval St., Extension sa Sitio Cabuyao ang sunog ganap na alas- 6:19 ng gabi at umabot­ ito sa 4th alarm bago tuluyang naapula ganap na alas- 8:03 ng gabi.

Tinatayang aabot sa P1 million halaga ng ari-arian ang napinsala at aabot sa 20 pamilya ang nawalan ng tirahan.

Inaalam pa ang sanhi ng nasabing sunog.

 

Show comments