MANILA, Philippines - Pinasok ng mga kawatan ang isang sangay ng Bank of Philippine Island (BPI) ngunit wala naman umanong natangay na salapi nang mabulabog at magsitakas ang mga salarin makaraang tumunog ang alarm system nito, kamaÂkalawa ng gabi sa Alabang, Muntinlupa City.
Sa ulat ng Muntinlupa City Police, dakong alas-8:45 ng gabi nang unang tumunog ang alarma ng banko na nakakoÂnekta sa pulisya. Agad namang rumesponde ang mga pulis sa naturang banko ngunit walang napansin na kahina-hinala.
Nang mag-inspeksyon sa buong gusali, napansin ng mga pulis na winasak ang bakal na bintana ng banko sa likuran na siyang pinasukan ng mga kawatan.
Ayon kay Muntinlupa officer-in-charge Senior Supt. Roque Eduardo Vega, hindi naman nabuksan ng mga magnanakaw ang main vault ngunit tinangka pa ring sirain ang dalawang automated teller machine (ATM) na nasa loob.
Posible umanong itinigil ng mga suspect ang pagwasak sa ATM nang malaman na tumunog na ang alarma ng banko at nagmadali nang tumakas sa pamamagitan ng pagdaan sa winasak nilang bakal na bintana.
Lumabas sa imbestigasyon na tanging ang mga personal na gamit at cellphone ng ilang kawani ang nawawala na posibleng tinangay ng mga kawatan.
Napag-alaman na winasak din ng mga kawatan ang Central Processing Unit (CPU) ng nakakabit na Close Circuit TeleÂvision (CCTV) Camera kaya’t bigo ang pulisya na maÂkilala ang mga kawatan na pumasok sa banko.