MANILA, Philippines - Umaasa si Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte na maipapasa na sa lalong madaling panahon ang panukalang batas sa QC council na naglalayong maipagbawal ang paggamit ng polyethylene plastic advertisement at propaganda materials partikular sa darating na May 2013 midterm election sa bansa.
Sa isang panayam, sinabi ni Belmonte na malaki ang pakinabang na makukuha ng taumbayan sa panukalang ito kapag naisabatas dahilan sa maiiwasan na ang ganitong uri ng plastic na siyang pangunahing ugat ng pagbara ng mga drainage sa lansangan na nagiging sanhi ng pagbaha.
Pinasimulan kahapon ang isang public hearing sa QC Bulwagan Albert Hall sa QC hall na bumubusisi sa panukalang ordinansa na pangunahing iniakda ni QC Councilor Dorothy Delarmente para maipaalam sa publiko ang kahalagahan at malaking pakinabang ng mamamayan sakaling maaprubahan ang panukalang maipagbawal ang paggamit ng polyethylene plastic sa lungsod hindi lamang ngayon panahon ng halalan kundi sa pangmatagalang panahon.
Sinabi ni Delarmente na ang naturang panukala ay bilang pagsuporta lamang sa naunang batas sa QC na iregulate ang paggamit ng plastic sa lungsod.
Kaugnay nito, sinabi ni Vice Mayor Belmonte na kung may ilang mga kandidato sa nalalapit na halalan ang nakapagpagawa na ng plastic campaign materials ay maaari pa naman nila itong magamit hanggat hindi pa ito naaaprubahan ng konseho at hindi pa napipirmahan ni QC Mayor Herbert Bautista.