MANILA, Philippines - Isang Korean national ang natangayan ng malaking halaga ng salapi at cellular phone makaraang ma-hulidap ng dalawang suspect na nagpakilalang pulis sa Pasay City kamakailan.
Natangay sa biktimang si Lee Kyung Tae, 38, ang kanyang bag na naglalaman ng plane ticket, cellphone na nagkakahalaga ng P30,000; US$4,000 at P40,000 cash.
Sa salaysay ni Lee, kasama niya ang kasintahang si Cecille Santos, 21, nang sumakay ng taxi buhat sa Resort World Hotel at nagpahatid sa tinutuluyang Manila Hotel sa Maynila dakong alas-2:45 ng madaling-araw.
Hindi pa nakakalayo ang taxi nang harangin ng dalawang lalaki lulan ng isang kotse na walang plaka sa may Andrews St., at pilit na hiningi ang lisensya ng taxi driver na si Brian Leonardo, 23. Nakasuot umano ang mga lalaki ng itim na jacket at cap ng PNP kaya inakala nilang mga pulis ito.
Ngunit nang inaalam ni Leonardo kung ano ang nagawa niyang paglabag sa trapiko, bumaba pa ang isang suspek sa kotse, tinutukan na ng baril ang magkasinÂtahan, sabay hablot sa bag ng turista. Mabilis na tumakas ang mga salarin patungong Roxas Boulevard.
Ang panibagong insidente ay makaraan na dalawang Koreano rin ang mabiktima kamakailan ng ‘Salisi Gang’ sa may service road ng Roxas Boulevard sa Pasay kamaÂkailan. Ito ay sa kabila ng pagdedeklara ng pamahalaang lungsod sa Pasay na “Travel City†at magbibigay umano ng ibayong seguridad sa mga dayuhang bisita.