Sunog sa Navotas: 1 patay, 2 sugatan

MANILA, Philippines - Isang 58-anyos na matandang lalaki ang nasawi habang kapwa malubhang  nasugatan ang mag-asawa matapos masunog ang tatlong kabahayan kahapon ng madaling-araw sa Navotas City.

Tinataya namang aabot sa isang milyong pisong halaga ng ari-arian ang naabo sa naganap na sunog.

Nakilala ang nasawi na si Alberto Garcia kung saan natagpuan ang bangkay nito sa loob ng comfort room ng kanyang bahay J. Alonzo St., Brgy. Daang Hari ng naturang lungsod.

Samantala, sugatan din sa sunog ang mag-asawang Gabriel, 60; at Rosita Cruz, 58, na kapwa nagtamo ng 2nd degree burn.

Lumalabas sa inisyal na report ng Navotas City Fire Department na naganap ang insidente dakong alas-3:00 ng madaling-araw  sa Cruz Compound Brgy.  Daang  Hari ng nabanggit na lungsod.

Napag-alaman na umabot sa ikatlong alarma ang sunog kung saan mabilis na kumalat ang apoy sa tatlong kabahayan dahil pawang mga gawa ito sa mga light material.

Hinihinalang electrical faulty wiring ang posibleng dahilan ng sunog. Dakong alas-4:30 ng umaga nang ideklarang fire under control ang insidente.

 

Show comments