5-anyos naglaro sa ilog, lunod

MANILA, Philippines - Nasawi ang isang 5-anyos na nene matapos mahulog habang naglalaro sa gilid ng ilog sa Navotas City kamakalawa ng gabi.

Patay na nang maiahon ang biktimang si Kin Edeza Matiansala, ng Maralla St., Barangay San Rafael Village ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Navotas City Police, dakong alas-2:30 ng hapon nang huling ma­kitang naglalaro ang biktima ng kanyang ina na si Alfie Suan, 28.

Hinanap ni Suan ang ibang anak at nang balikan ng tingin ang bata ay hindi na ito nakita.

Tinanong ni Suan ang mga kalaro ng anak kung nasaan ang biktima na sinabing nagpunta sa ka­tabing ilog.

Pinuntuhan naman ng ina ang lugar, subalit hindi ito nakita dahilan upang humingi ito ng tulong.

Ilang kapitbahay ang naghagilap sa ilog, subalit hindi pa rin nakita ang bata kaya nagpasaklolo na sila sa mga rescuer.

Dakong alas-9:45 na ng gabi nang maiahon ang bangkay ng biktima na hinihinalang nadulas at na­hulog sa ilog hanggang sa ma­lunod.

Show comments