Wanted na kelot na dumukot, humalay sa 13-anyos, timbog

MANILA, Philippines - Nasakote ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaking wanted sa kasong pagdukot  at panghahalay sa isang 13-anyos na dalagita sa Laguna noong nakalipas na Nobyembre.

Nakapiit na sa NBI detention cell ang suspect  na si Sandy Babao Pelobello, 37, ng Brgy. Santiago, General Trias, Cavite, matapos siyang arestuhin sa Calamba, Laguna  ng mga miyembro ng NBI-Laguna District Office (LAGDO) noong Pebrero 13.

Nabatid na noong Pebrero 11 ay nagpasaklolo sa NBI ang ina ng biktimang itinago sa pangalang Isa.

Base sa reklamo nawala ang biktima noong Nobyembre 2013, na nabalitaang itinanan umano ng suspect. Nang malaman na naghahain ng reklamo ang ina, itinago umano ng suspect sa bahay ng kaniyang pinsan sa Manggahan, Dasmariñas, Cavite ang biktima at pinagbantaan itong papatayin siya at mga magulang kung iiwan ang suspect.

Nitong Pebrero 2, nagawang magpakita ng biktima sa kanyang pamilya at bumalik sa suspect noong Pebrero 10 dahil sa takot na gawin ang banta ng suspect. Nang magpa-alam ang biktima sa suspect na nais niyang umuwi na lamang sa kaniyang magulang upang makapag-aral, binugbog umano ito ng suspect kaya tumakas at umuwi muli sa magulang.

Dito na nagkaroon ng pagkakataon ang ina ng biktima na ipadampot ang suspect, kung saan ang biktima pa ang nagturo kung saan ito matatagpuan.

 

Show comments