MANILA, Philippines - Muling nagtuluy-tuloy ang serye ng oil price hike sa bansa makaraang muling magtaas ang mga kompanya ng langis sa presyo ng kanilang produktong petrolyo umpisa kahapon ng hatinggabi.
Dakong alas-12:01 ng madaling-araw nang manguna sa pagtataas ang mga kompanyang Pilipinas Shell, Petron Corporation at Chevron Philippines. Pare-parehong nagtaas ang mga ito ng P1.15 kada litro sa regular gasoline, P.95 sa premium at unleaded gasoline, P.70 kada litro sa kerosene at P.65 sa kada litro ng diesel.
Nakigaya rin naman agad sa Big 3 ang mga kompanyang Eastern Petroleum Philippines habang dakong alas-6 naman ng umaga nang sumunod sa mga ito ang kompanyang Total Philippines na nagtaas din ng kahalintulad na mga presyo sa naturang mga produkto.
Ang pagtataas ang ikaapat na beses na ngayong taong 2013 ang ikatlo ngayong PebÂrero dulot pa rin umano sa pagtaas sa presyo ng inaangkat nilang krudo sa internasyunal na merkado.
Samantala, nagbabala naman ang militanteng grupong Kilusang Mayo Uno na magsasagawa ng malakihang mga kilos-protesta sa sunud-sunod na oil price hike.